Hinamon ng isang pastor ang kapulungan ng mga nagtitiwala kay Jesus tungkol sa pagbibigay at pagtulong. Sinabi ng pastor, “Ano kaya ang mangyayari kung ang ating mga damit panlamig ay ibibigay natin sa higit na nangangailangan nito?” Pagkatapos niyang sabihin iyon, tinanggal niya ang kanyang damit na panlamig at inilagay sa isang lagayan sa harap ng kanilang simbahan. Marami ang gumaya sa ginawa ng pastor. Napakalamig ng panahon noon. Kaya naman kahit giniginaw ang mga nagbigay ng kanilang mga damit, marami namang higit na nangangailangan ang kanilang natulungan.
Nagbigay naman ng babala si Juan na nagbabautismo sa mga tao. Sinabi ni Juan, “Kayong lahi ng mga ulupong! Sino ang nagbabala sa inyo upang tumakas sa kaparusahang darating? Ipakita ninyo sa pamamagitan ng gawa na nagsisisi na kayo” (LUCAS 3:7-8 MBB). Nagulat ang mga tao kaya tinanong nila si Juan, “Ano ang dapat naming gawin?” Pinayuhan naman sila ni Juan, “Kung mayroon kayong dalawang damit, ibigay ninyo ang isa sa taong walang damit. At kung may pagkain kayo, bigyan ninyo ang walang makain” (TAL. 10-11 ASD). Ang tunay na nagsisisi ay nagkakaroon ng pusong matulungin at mapagbigay.
Ipinayo naman ni Pablo na apostol ni Jesus na, “Magbigay nang ayon sa sariling kapasyahan, nang walang pag-aatubili at hindi sapilitan, dahil mahal ng Dios ang mga nagbibigay nang may kagalakan” (2 CORINTO 9:7 ASD). Kung ganito ang ugali natin sa tuwing nagbibigay o tumutulong tayo, makikita natin na totoong mas mapalad ang nagbibigay kaysa sa tumatanggap.