Makakaya ba nating tiisin ang nararamdamang sakit kung nasa tabi ang ating kaibigan? Nagsagawa ng pagsasaliksik ang isang unibersidad para dito. Inobserbahan nila ang reaksyon ng utak ng tao sa tuwing nakakaranas ng matinding sakit na hawak ang kamay ng hindi niya kilala o ng kanyang kaibigan.
Maraming beses nila itong isinagawa at nakita nilang pareparehas ang resulta. Kapag ang isang tao ay hawak sa kamay ng hindi niya kilala, may reaksyon sa utak na nagpapakita na labis siyang nahihirapan. Pero kung hawak naman siya ng kanyang kaibigan, natitiis niya ang sakit at maganda ang reaksyon ng kanyang utak. Mas nakakayang tiisin ng isang tao ang sakit kapag kasama niya ang kanyang kaibigan.
Kailangan naman ni Jesus ng makakasama habang nananalangin noon sa Hardin ng Getsemane. Alam kasi ni Jesus ang haharapin Niyang paghihirap. Iiwan Siya ng Kanyang mga kaibigan, aarestuhin at mamamatay. Sinabi ni Jesus, “Para akong mamamatay sa labis na kalungkutan. Dito lang kayo at magpuyat” (MATEO 26:38 ASD). Nakiusap si Jesus sa Kanyang malalapit na kaibigan na manalangin at samahan Siya. Pero natulog ang Kanyang mga kaibigan.
Tiniis ni Jesus ang matinding sakit na wala man lang humahawak sa Kanyang mga kamay. Pero dahil tiniis Niyang mag-isa ang paghihirap, makakaasa tayo sa Dios na kailanman hindi Niya tayo iiwan ni pababayaan man (HEBREO 13:5). Inialay ni Jesus ang Kanyang buhay nang sa gayon ang lahat ng magtitiwala sa Kanya ay hindi mararanasan ang mawalay sa pagmamahal ng Dios (ROMA 8:39). Makakaya natin ang lahat kung kasama natin si Jesus.