Minsan, may dinaluhan akong pagtitipon ng mga nagtitiwala kay Jesus. May makikitang malaking krus sa harap ng kanilang simbahan. Sinisimbolo ng krus ang kamatayan ni Jesus kung saan Niya inako ang kaparusahan sa ating mga kasalanan. Hinayaan ng Dios na ang Kanyang anak na hindi nagkasala ay mamatay sa krus para sa atin. Inialay ni Jesus ang Kanyang buhay sa krus at dinanas ang parusa na para dapat sa atin (ROMA 6:23).
Naaalala ko naman sa krus ang mga paghihirap na tiniis ni Jesus. Bago pa man Siya ipako sa krus, binugbog Siya at nilait. Ipinabuhat sa Kanya ang krus kung saan Siya mismo ang ipapako. At sa lugar na tinatawag na Golgota, ibinaon sa Kanyang kamay at paa ang mga pako nang sa gayon manatili Siyang nakabayubay sa krus. Doon lubos na naramdaman ni Jesus ang kirot at sakit ng Kanyang mga sugat. At pagkalipas ng anim na oras, “Sumigaw nang malakas si Jesus at nalagutan ng hininga” (MARCOS 15:37 ASD). Nang masaksihan ng kapitan ng mga sundalo ang kamatayan ni Jesus, nasabi niya, “Totoo ngang Siya ang Anak ng Dios!” (TAL. 39 ASD).
Sa tuwing makakakita ka ng krus, alalahanin mo kung ano ang sinisimbolo nito. Inialay ni Jesus ang Kanyang buhay sa krus. Nang sa gayon ang lahat ng magtitiwala sa Kanya ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.