Minsan, may nagtanong kung isa bang problema sa panahon natin ngayon ang pagiging mangmang at ang kawalan ng interes sa ginagawa. Pabiro namang sagot ng isang lalaki, “Hindi ko alam at wala akong pakialam."
Maaaring ganito rin naman ang iniisip ng mga taong nahihirapan sa buhay. Iniisip nila na ang mga tao ngayon sa mundo ay mga walang pakialam sa kalagayan ng iba. Pero kay Jesus, may pakialam Siya sa kalagayan natin. Nauunawaan Niya ang ating mga pinagdaraanan sa buhay.
Sa Lumang Tipan ng Biblia, ipinakita na lubos tayong nauunawaan ni Jesus dahil dinanas Niya mismo ang pagdurusa na para dapat sa atin. Sinabi ni Propeta Isaias, “Inapi Siya at sinaktan, pero hindi man lang dumaing. Para Siyang tupang dadalhin sa katayan para patayin…na hindi man lang umiimik” (ISAIAS 53:7 ASD). “Hinuli Siya, hinatulan at pinatay” (TAL. 8 ASD). “Pero kalooban ng Panginoon na saktan Siya at pahirapan. Kahit na ginawa Siyang handog ng Panginoon para mabayaran ang kasalanan ng mga tao, makikita Niya ang Kanyang mga lahi at tatanggap Siya ng mahabang buhay. Sa pamamagitan Niya ay matutupad ang kalooban ng Panginoon” (TAL. 10 ASD).
Kusang loob na inialay ni Jesus ang Kanyang buhay sa krus nang sa gayon mailigtas tayo sa kaparusahan sa kasalanan. Walang sinuman ang makahihigit sa dinanas na paghihirap ni Jesus para sa atin. Alam ni Jesus ang kabayaran sa kasalanan. Kaya naman dahil sa pagmamahal Niya, handa Siyang mamatay para sa atin (TAL. 4-6). Hindi nanatiling patay si Jesus. Muli Siyang nabuhay at kasama natin. Kaya, anuman ang ating pinagdaraanang pagsubok, handa si Jesus na tulungan at pagmalasakitan tayo.