Hindi palakuwento ang aking tatay. Nagkaroon kasi siya ng problema sa pandinig noong sundalo pa siya. Kaya naman kailangan niya pang magsuot ng isang bagay na pangtulong para makarinig siya. Minsan, napatagal ang kuwentuhan namin ni nanay at parang nagsasawa na si tatay na makinig sa amin. Sinabi ni tatay, “Sa tuwing gusto ko ng katahimikan, ganito lang ang ginagawa ko.” Iniunat niya ang kanyang mga kamay. Tapos, pinatay ang pangtulong para makarinig siya. Inilagay niya ang mga kamay sa batok, ipinikit ang mata at ngumiti.
Nagtawanan kami sa pangyayaring iyon at para sa aking tatay tapos na ang kuwentuhan.
Naisip ko sa ginawa ng aking tatay na ibang-iba talaga ang Dios sa mga tao. Laging nais makinig ng Dios sa mga nagtitiwala sa Kanya. Sumasang-ayon naman dito si Nehemias na binanggit sa Lumang Tipan ng Biblia. Minsan, napansin ng haring si Artaxerxes na malungkot si Nehemias na kanyang lingkod. Kaya naman, tinanong ng hari kung bakit malungkot si Nehemias. Sinabi naman ni Nehemias na dahil iyon sa wasak na lungsod ng Jerusalem na bayan ng kanyang mga ninuno. “Nagtanong muli ang hari, “Ano ang gusto mo?” Nanalangin ako sa Dios ng kalangitan at pagkatapos, sumagot ako sa hari…” (NEHEMIAS 2:4-5 ASD).
Kahit napakaikli lamang ng panalangin ni Nehemias, narinig pa rin ito ng Dios. Tinugon ng Dios ang dalangin ni Nehemias para sa lungsod ng Jerusalem. Nang mga oras ding iyon, tinupad ng hari ang kahilingan ni Nehemias.
Nakapagbibigay ng lakas ng loob ang malaman na nagmamalasakit sa atin ang Dios. Lagi Siyang handa para makinig sa ating mga idinadalangin, maikli man o mahaba ito.