Sa loob ng tatlong taon, sumali ang anak ko sa pagtatanghal sa pagtugtog ng piano. Nang magtatanghal na siya, pinagmamasdan ko siya habang palapit sa piano niyang gagamitin. Tumugtog siya ng dalawang awitin at pagkatapos lumapit siya sa akin. Ibinulong sa akin ng anak ko na maliit daw ang piano na ginamit niya ngayong taon. Sinabi ko naman sa kanya na parehas lang iyon sa ginamit niyang piano noong nakaraang taon. Sadyang lumaki lang ang anak ko.
Ang paglaki ng ating katawan ay tulad din naman ng pagtatag ng ating pananampalataya sa Dios. Isa itong proseso hanggang maging tulad tayo ni Jesus. Tatatag tayo kung hahayaan natin ang Dios na baguhin tayo sa pamamagitan ng pagbabago ng ating isipan (ROMA 12:2).
Kung hahayaan naman na kumilos sa ating buhay ang Banal na Espiritu, mas makikita natin ang ating mga kasalanan. Mapararangalan naman natin ang Dios kung magsusumikap tayo na mabago ang mga kasalanang iyon. Minsan, napagtatagumpayan natin ang kasalanan pero may panahon na hindi. Napanghihinaan naman tayo ng loob kapag napapansin natin na kahit nagsusumikap tayo ay wala pa ring pagbabago. Pero ang totoo, nasa proseso pa tayo ng ginagawang pagbabago ng Dios sa atin.
Malaki ang kinalaman ng Banal na Espiritu, ng pagnanais nating mabago at ng panahon para tumatag ang ating pananampalataya. Kung aalalahanin natin ang ating buhay noon, mapapansin natin na tumatag tayo sa ating pananampalataya. Nawa’y bigyan tayo ng Dios ng kakayahang magtiwala na, “ipagpapatuloy [Niya] ang mabuting gawain na sinimulan Niya sa inyo hanggang sa araw ng pagbabalik ni Cristo Jesus” (FIL. 1:6 ASD).