Masayang-masaya ang kaibigan kong si Gloria na ikuwento sa akin ang tungkol sa natanggap niyang regalo. Binigyan kasi siya ng kanyang anak ng isang bagay na kahit hindi na siya pumunta sa pagtitipon ng mga nagtitiwala kay Jesus, maririnig at makikita niya ang nangyayari doon. Hindi kasi makaalis ng bahay si Gloria dahil sa sakit niya. Kaya, naiintindihan ko ang kasiyahan na kanyang nararamdaman. Nagpapasalamat si Gloria sa kabutihan ng Dios at sa regalo ng anak niya.
Natuto naman ako sa pagiging mapagpasalamat ni Gloria. Lagi niyang ipinagpapasalamat kahit maliit na bagay lang. Halimbawa nito ang simpleng pagtulong sa kanya ng kanyang pamilya, ang ganda ng paglubog ng araw at ang kakayahan na matagalan ang inip sa kanyang tinitirhan.
Nagpasalamat din naman sa Dios ang sumulat ng Awit 116 sa Lumang Tipan ng Biblia. Walang nakakaalam kung ano mismo ang pinagdaraanang pagsubok ng sumulat. Pero sinabi ng ilang mga dalubhasa na maaaring may sakit siya. Sinabi kasi ng sumulat, “Natakot ako dahil nararamdaman kong malapit na akong mamatay. Ang kamatayan ay parang tali na pumupulupot sa akin” (TAL. 3 ASD). Gayon pa man, nagpasalamat siya sa Dios sa pagpapadama sa kanya ng pagmamahal at pagmamalasakit nang panahon na nahihirapan siya sa buhay (TAL. 5-6).
Minsan, kapag namomroblema tayo, parang napakahirap magpasalamat sa Dios. Pero kung magtitiwala tayo sa Dios, makikita natin na Siya ang nagbibigay sa atin ng mga bagay na makakabuti para sa atin. Sa gayon, matututo tayong laging magpasalamat sa Dios.