Mahigit 50 taon ko ng kaibigan si Bob Foster. Siya ang itinuturing kong tagapayo na hindi sumuko para palakasin ang loob ko sa tuwing may mabibigat akong problema. Tunay siyang kaibigan na maaasahan.
Madalas kaming magkasama sa pagtulong sa mga kakilala namin na nangangailangan. May pagkakataon naman na pinanghihinaan kami ng loob at parang susuko na. Nangyayari iyon kapag may ginawa kami na para bang wala man lang pagbabago. Pero naisip namin na dumadaan lang kami sa proseso para makita ang pagbabago.
Hinihikayat naman tayo ni apostol Pablo na maging matiyaga sa pagtulong. Sinabi ni Pablo, “Tulungan ninyo ang isaʼt isa sa mga problema, at sa ganitong paraan ay matutupad ninyo ang utos ni Cristo” (GALACIA 6:2 ASD). Nais ni Pablo na matutunan natin na maging matiyaga hanggang sa matapos ang ipinapagawa sa atin ni Jesus. Tulad ng isang magsasaka na matiyaga sa kanyang ginagawa hanggang dumating ang panahon ng pag-ani.
Minsan, nahihirapan tayo na maging matiyaga. Kaya naman naitatanong natin kung hanggang kailan ba tayo kailangang tumulong o idalangin ang iba? Sabi ng Biblia, “Huwag tayong magsasawa sa paggawa ng mabuti dahil sa tamang panahon, matatanggap natin ang ating gantimpala kung hindi tayo susuko” (TAL. 9 ASD). Ilang beses ba tayo kailangang tumulong? “Sa tuwing may pagkakataon, gumawa tayo ng kabutihan sa lahat ng tao, lalo na sa mga kapatid natin sa pananampalataya” (TAL. 10 ASD). Hinihikayat tayo ng Dios na laging magtiwala sa Kanya, tumulong sa iba at laging manalangin. Hinihikayat Niya tayong huwag na huwag susuko.