Minsan, may pangyayaring naganap sa isang tren sa bansang Canada. Tinulungan ng 70 taon matandang babae ang isang binatang lalaki. Walang lumalapit noon sa binata para tulungan siya sa pagkakahulog nito sa butas ng sahig ng tren. Natatakot kasi ang ibang pasahero sa kanya dahil sa malakas na boses nito at sa masasamang sinasabi niya. Pero tinulungan siya ng matanda. Nagpasalamat naman ang binata at saka umalis. Nang kapanayamin ang matanda, inamin nito na natatakot din siyang lapitan ang binata noon. Pero sinabi ng matanda na isa rin siyang ina kaya alam niya na nangangailangan ng makakapitan ang binata sa panahong iyon. Alam ng matanda na mas makakabuti kung hindi na lang niya papansinin ang binata. Pero nanaig sa kanya ang pagmamahal at pagkahabag sa binata kaya isinantabi niya ang takot.
Hindi rin naman natakot si Jesus at ipinakita Niya ang Kanyang kahabagan sa isang taong may sakit na ketong. Isinantabi rin ni Jesus ang mga sasabihin sa Kanya ng mga pinuno ng mga relihiyon noon. Itinuturing kasing marumi ang isang tao na may malalang sakit sa balat at inilalabas sila sa lungsod (LEVITICO 13:45-46). Gayon pa man, hinawakan ni Jesus at pinagaling ang may sakit na ketong na noo’y pinandidirihan ng mga tao.
Ipinapadama ni Jesus ang Kanyang pagmamahal at kahabagan sa lahat ng magtitiwala sa Kanya. Ibinibigay sa atin ni Jesus ang isang pribilehiyo na walang sinuman ang makakapantay. Ito ang katotohanan na lagi natin siyang makakapitan. Iingatan at pagmamalasakitan Niya tayo.