Minsan, nagulat si Fionn Mulholland na taga bansang Australia na nawawala ang kanyang sasakyan. Napagtanto niya na naiparada niya pala ito sa isang lugar kung saan bawal pumarada. Kaya kinuha ang kanyang sasakyan. Dinala ito sa isang lugar na pinaglalagyan ng mga sasakyang nakaparada sa mga lugar na bawal paradahan. Alam ni Fionn na kailangan niyang magmulta at magbayad sa kumuha ng sasakyan niya. Kaya kahit naiinis, nagdesisyon siya na hindi magalit. Sa halip na magalit, gumawa si Fionn ng isang tula tungkol sa pangyayari at binasa niya ito sa isang empleyado kung nasaan ang sasakyan niya. Nagustuhan naman ng empleyado ang kanyang tula. Kaya naman, walang nangyaring kaguluhan at naging maayos ang kanilang pag-uusap.
Itinuturo naman sa Aklat ng Kawikaan ng Biblia na, “Ang pag-iwas sa gulo ay tanda ng karangalan; hangal lang ang may gusto ng kaguluhan” (TAL. 3 ASD). Nagsisimula ang kaguluhan kapag may mga taong hindi nagkakasundo o nagtatalo sa isang bagay.
Binigyan tayo ng Dios ng kakayahan para makapamuhay tayo ng mapayapa sa kapwa natin. Tinitiyak sa atin ng Salita ng Dios na maaari tayong magalit pero magagawa nating hindi magkasala (EFESO 4:26). Tutulungan naman tayo ng Banal na Espiritu na maiwasang sumiklab ang galit na siyang nagdudulot para makagawa o makapagsabi tayo ng nakakasakit sa iba. At ipinakita naman ni Jesus ang dapat nating gawin sa panahon na parang magagalit na tayo (1 PEDRO 2:23). Tularan natin ang Dios na mahabagin, mapagmahal at hindi madaling magalit (AWIT 86:15).