Hating-gabi na nang dumating kami sa aming tutuluyan. Maaliwalas ang aming kuwartong tutulugan. Mayroon itong balkonahe. Tiningnan ko ang puwedeng makita mula doon kaya lang, masyado pang mahamog at madilim ang paligid. Pagsapit ng umaga, sumikat ang araw at nawala na ang hamog sa paligid. Pumunta akong muli sa balkonahe at namangha ako sa aking nakita. Napakapayapa ng luntiang pastulan at may mga tupang kumakain sa damuhan. Makikita rin ang puting ulap sa langit na kung saan parang mga tupa rin.
Minsan, parang nababalot din ng dilim at hamog ang buhay natin dahil sa mga mabibigat na problema. Pero kung paanong nawala ang dilim at hamog nang sumikat ang araw, ang atin namang pananampalataya sa Dios ang magpapatatag sa atin para mapagtagumpayan ang mga problema. May sinabi naman ang sumulat ng Aklat ng Hebreo tungkol sa pananampalataya. Sinabi niya, “Ang pananampalataya ay pagtitiwala na mangyayari ang ating mga inaasahan at katiyakan tungkol sa mga bagay na hindi nakikita” (HEBREO 11:1 MBB). Ipinaalala pa ng sumulat ang pananampalataya ni Noe na lingkod ng Dios. Sumunod si Noe sa babala ng Dios kahit hindi pa niya nakikita ang mangyayari (TAL. 7). Gayon din naman si Abraham, sumunod siya sa iniutos ng Dios kahit hindi niya alam kung saan siya pupunta (TAL. 8).
Lagi nating kasama ang Dios. Tinutulungan Niya tayo sa panahon na humaharap tayo sa matitinding pagsubok sa buhay kahit hindi man natin Siya nakikita.