Minsan, parang napakaimposible na matapos ang araw na hindi tayo nakakaranas ng pangmamaliit o pagbabalewala ng iba. May pagkakataon pa nga na ginagawa natin ito sa ating sarili.
Nakaranas din naman si Haring David ng mga pangaalispusta at pangmamaliit mula sa kanyang mga kaaway. Dahil doon, bumaba ang tingin niya sa kanyang pagkatao at pagpapahalaga sa sarili (AWIT 4:1-2). Kaya naman humihingi siya ng tulong sa kanyang nararanasang pagdurusa.
Sa pagkakataong iyon naalala ni David na, “Ibinukod ng Panginoon ang mga banal para sa Kanyang sarili. Kaya kung tatawag ako sa Panginoon, pakikinggan Niya ako” (TAL. 3 ASD). Sinasabi ng ilang dalubhasa sa Biblia na ang nais iparating ng ‘mga banal’ ay mga pinangakuan ng Dios o mga taong habang-buhay na mamahalin ng Dios.
Maganda rin namang laging alalahanin na habangbuhay tayong mamahalin ng Dios. Ibinukod Niya tayo para sa Kanyang sariling layunin bilang Kanyang mga anak. Habangbuhay na ituturing ng Dios ang lahat ng magtitiwala sa Kanya bilang mga anak.
Sa halip na mawalan ng pag-asa, alalahanin natin ang pagmamahal na ipinapadama sa atin ng Dios. Mga anak Niya tayo na lubos na minamahal. Bibigyan tayo ng Dios ng kapayapaan at kagalakan sa kabila ng mga hinaharap nating mga pagsubok (TAL. 7-8). Hinding-hindi tayo pababayaan o iiwan ng Dios at habang-buhay Niya tayong mamahalin.