Ano kaya ang magiging reaksyon mo kung bigla na lang nagpakita sa iyo ang Dios? Ganito ang nangyari kay Gideon na isa sa mga hukom noon ng mga Israelita. “Nagpakita sa kanya ang Panginoon at sinabi, “Ikaw, magiting na sundalo, ang Panginoon ay sumasaiyo.” Sumagot si Gideon, “Kung sumasaamin nga ang Panginoon, bakit ganito ang kalagayan namin?” (HUKOM 6:12-13 ASD). Nais malaman ni Gideon kung bakit pinabayaan sila ng Dios.
Naranasan kasi ni Gideon at buong Israel ang pitong taong pagsalakay sa kanila ng mga kaaway, ang magutom at ang magtago sa mga kuweba. Pero hindi ipinaliwanag ng Dios kung bakit hindi Siya dumating para tulungan sila. Maaari namang sabihin ng Dios kay Gideon na dahil iyon sa kasalanan nila. Pero hindi iyon sinabi ng Dios dahil nais Niyang magtiwala si Gideon sa Kanyang mga plano. Ang sinabi lang ng Dios kay Gideon, “Humayo ka at gamitin ang buong lakas mo… Tutulungan Kita at lilipulin mo ang mga Midianita na parang nakikipaglaban ka lang sa isang tao” (TAL. 14,16 ASD).
Nagtatanong ka rin ba kung bakit hinahayaan ng Dios na makaranas ka ng mga pagdurusa? Sa halip na sagutin ang tanong na iyan, ipinapaalala sa atin ng Dios na kasama natin Siya at bibigyan Niya tayo ng lakas para makayanan ang mga pagsubok. Naniwala si Gideon na kasama niya ang Dios at tinutulungan siya. Dahil doon nagtayo siya ng isang dambana para sa Dios at tinawag niya itong, “Nagbibigay ng Kapayapaan ang Panginoon” (TAL. 24 ASD).
Nagdudulot naman ng kapayapaan sa ating buhay ang malaman na kasama natin ang Dios. Siya ang Dios na nangako na hindi Niya iiwan o pababayaan ang lahat ng magtitiwala sa Kanya.