Nagkaroon ng pagkakataon si Kiley na makasama sa pagmimisyon sa bansang Africa para gamutin ang mga may sakit. Nag-aalala siya dahil wala naman siyang alam sa panggagamot. Pero alam niyang makakatulong pa rin ang simpleng pag-aalaga sa mga may sakit.
Habang nandoon, nakilala niya ang isang babae na may malalang sakit pero magagamot naman. Kahit na pinipigilan ng babae na lumapit si Kiley, lumapit pa rin si Kiley at tinulungan ang babae. Habang nililinis at ginagamot ni Kiley ang binti ng babae, umiiyak ito. Tinanong ni Kiley ang babae kung nasasaktan ba siya. Pero sumagot ang babae na hindi. Sinabi pa niya, “Sa loob kasi ng siyam na taon, ikaw lang ang humawak sa akin.”
May malalang sakit naman noon na kapag mayroon ka nito ay kailangan mong lumayo sa ibang tao. Ginagawa nila ito para hindi kumalat ang sakit. Kailangan nilang mamuhay mag-isa at sa labas sila ng lungsod maninirahan (LEVITICO 13:46).
Kaya naman kapansin-pansin noon ng lapitan si Jesus ng isang taong may malalang sakit sa balat. Sinabi nito kay Jesus, “Panginoon, kung gusto Nʼyo po, mapapagaling Nʼyo ako upang maituring akong malinis.” Hinawakan siya ni Jesus at sinabi, “Gusto ko. Luminis ka!” (MATEO 8:2-3 ASD).
Nang hawakan naman ni Kiley ang mga binti ng babaeng matagal nang nag-iisa, naiparamdam din niya ang walang takot na pagpapahayag ng pagmamahal ni Jesus. May malaking epekto sa iba ang simpleng paghawak o pagpapakita natin ng malasakit sa kanila.