Ikinuwento ni Al Worden na piloto ng Apollo 15 ang karanasan niya nang nasa kalawakan siya na malapit sa buwan. Tatlong araw siyang nag-iisa dahil nasa kabilang bahagi ng buwan ang kanyang mga kasama. Tanging ang kasama raw niya ay ang mga bituin na parang binabalot siya ng liwanag nito.
Naranasan din naman ni Jacob na binanggit sa Lumang Tipan ng Biblia ang mag-isa at malayo sa kanyang pamilya. Pero hindi dahil may dapat siyang gawin kaya siya lumayo. Tumakas kasi siya sa kanyang kapatid nang lokohin niya ito. Nais kasing patayin si Jacob ng kanyang kapatid dahil kinuha nito ang pamana na dapat para sa kanyang kapatid. Nang makatulog naman si Jacob, nanaginip siya. Nakita niya ang mga anghel na akyat-baba mula sa langit. Narinig niya rin ang tinig ng Dios na nangako na lagi siyang sasamahan ng Dios at pagpapalain ang buong mundo sa pamamagitan ng lahi ni Jacob. Nang magising si Jacob, nasabi niya sa kanyang sarili, “Hindi ko alam na nandito pala ang Panginoon sa lugar na ito” (GENESIS 28:16 ASD).
Napalayo si Jacob sa kanyang pamilya at nag-isa dahil sa kanyang ginawang kasalanan. Pero gayon pa man, sa panahon ng kanyang kabiguan at pag-iisa, naramdaman niya na kasama niya ang Dios. Naisip din ni Jacob na alam ng Dios ang mga nangyayari kaya naman laging higit na maganda ang plano ng Dios para sa atin. Maaaring iniisip natin na napakalayo ng langit pero ang totoo napakalapit nito sa atin at kasama natin lagi ang Dios ni Jacob.