Alam ng kaibigan kong si Mickey na mabubulag na siya. Sinabi niya sa akin, “Kahit bulag na ako, lagi ko pa ring pupurihin ang Dios araw-araw dahil napakalaki ng isinakripisyo Niya para sa akin."
Binigyan ng Dios si Mickey at ang lahat ng nagtitiwala kay Jesus ng napakagandang dahilan para purihin siya ng walang katapusan. Ikinuwento ni Mateo sa kanyang aklat ang tungkol sa hapunan ni Jesus at ng mga alagad bago Siya ipako sa krus. Matapos silang maghapunan, “Umawit sila ng papuri sa Dios at pagkatapos ay pumunta sila sa Bundok ng mga Olibo” (26:30 ASD).
Hindi lang sila umawit ng mga himno kundi himno ng papuri sa Dios ang mga inawit nila ng gabing iyon. Sa loob ng isang libong taon, inaawit ng mga Israelita ang piniling salmo para sa pagpupuri sa Dios. Matatagpuan iyon sa Awit 113 hanggang 118. Sinabi doon na parangalan natin ang Dios na Siyang nagligtas sa atin (118:21). Tumutukoy iyon sa “batong itinakwil ng mga tagapagtayo ay siyang naging batong pundasyon” at “sa dumarating sa ngalan ng Panginoon” (TAL. 22,26 ASD). “Ito ang araw na ginawa ng Panginoon, tayoʼy magalak at magdiwang” (TAL. 24 ASD).
Nang umaawit si Jesus kasama ng Kanyang mga alagad ng papuri sa Dios, binigyan Niya tayo ng halimbawa para tularan Siya. Hinihikayat Niya rin tayo na ituon sa pagpupuri sa Dios ang ating isip kaysa sa mga pagsubok sa buhay. Sasamahan tayo ni Jesus na purihin ang Dios na tapat at walang hanggan ang pagmamahal.