Kapag nasa korte tayo, madalas ang mga saksi sa krimen ay nanonood at nakikinig lang. Gayon pa man, aktibo sila sa pagtulong para malutas ang kaso. Ang mga sumasampalataya naman kay Jesus ay mga saksi rin na dapat aktibong ipinapahayag ang tungkol sa kamatayan at muling pagkabuhay ni Jesus.
Nang ipahayag naman ni Juan na nagbabautismo ang tungkol kay Jesus, sinabi niya sa mga tao na si Jesus ang Ilaw ng mundo. Ipinahayag din ni Juan na alagad ni Jesus ang kanyang naranasan kasama si Jesus. Sinabi ni Juan, “Nakita namin ang kadakilaan [ni Jesus] bilang kaisa-isang Anak ng Ama. Puspos Siya ng biyaya at pawang katotohanan ang mga sinasabi Niya” (JUAN 1:14 ASD). Ipinaliwanag naman ni Apostol Pablo kay Timoteo ang pananaw tungkol sa pagiging saksi. Sinabi ni Pablo, “Ituro mo rin sa mga mapagkakatiwalaang tao, na makakapagturo rin sa iba, ang mga aral na narinig mo sa akin sa harapan ng maraming saksi” (2 TIMOTEO 2:2 ASD).
Hinihikayat naman ni Jesus ang mga mananampalataya na maging aktibong saksi sa mundong ito. Hindi lang mga tagapanood na walang ginagawa. Sa halip, laging ipinapahayag ang tungkol sa magandang balita na namatay at muling nabuhay si Jesus. Tularan natin si Juan na nagbabautismo na sumisigaw sa liblib na lugar para ipahayag ang pagliligtas ng Dios. Ipahayag din natin ang tungkol kay Jesus sa ating mga katrabaho, kapitbahay, kaibigan at kapamilya. Sabihin natin sa kanila kung paano kumikilos si Jesus sa buhay ng lahat ng nagtitiwala sa Kanya.