Minsan, nagbakasyon ang aming buong pamilya. Nang gumabi na, dumaan kami sa isang liblib na lugar. Madilim ang paligid at iilang ilaw lang ang makikita sa daan. Ilang sandali ang lumipas, lumiwanag ang buwan at mas nakikita na namin ang daan. Pero dumidilim pa rin kapag napapadaan na kami sa gilid ng bundok. Gayon pa man, sinabi ng anak ko na ang liwanag ng buwan ang nagpapaalala na kasama natin ang Dios. Tinanong ko ang aking anak kung kailangan pa bang makita niya ang liwanag ng buwan para malaman na lagi nating kasama ang Dios. Sumagot siya na hindi naman pero malaking tulong ang liwanag ng buwan para makita namin ang daan.
Nang mamatay si Moises na lingkod ng Dios, si Josue ang pumalit sa kanya para pangunahan ang mga Israelita papunta sa lupang ipinangako ng Dios sa kanila. Kahit na alam ni Josue na utos ng Dios ang gagawin niya, natatakot pa rin siya sa mga pagsubok na kanyang kahaharapin. Kaya naman, ipinangako ng Dios kay Josue na sasamahan siya saan man siya pumunta (JOSUE 1:9).
Ang buhay natin ay parang paglalakbay na hindi natin alam kung ano ang mangyayari sa atin sa daan. Nabubuhay tayo kahit hindi natin alam ang mangyayari sa kinabukasan. Pero, hindi man natin alam o nakikita ang plano ng Dios para sa atin, makakaasa tayo sa Kanya. Dahil nangako Siya na lagi Niya tayong “kasama hanggang sa katapusan ng mundo” (MATEO 28:20 ASD). Kaya anuman ang ating pag-aalinlangan o kahaharaping pagsubok, mapagtitiwalaan natin ang Dios na siyang ating Ilaw at lagi nating kasama.