May isang matandang babae na nagngangalang Violet ang nasa pagamutan. Umupo siya sa kanyang hinihigaan at ngumiti sa mga batang bumisita sa kanya. Napakainit ng panahon noon pero hindi siya nagrereklamo. Sa halip, naisip niyang gumawa ng kanta. Umawit siya, “Tatakbo ako at tatalon para purihin ang Dios!” Habang umaawit, iniiindak niya ang kanyang mga balikat na parang tatakbo. Napaluha naman ang mga nakikinig. Wala kasing mga paa si Violet. Nais umawit ni Violet dahil sabi niya nga sa ginawa niyang kanta, “Mahal ako ni Jesus at sa langit mayroon na akong mga paang puwedeng tumakbo."
Ang kagalakan na nararamdaman ni Violet at ang inaaasahan niyang kalagayan sa langit ang nagpaalala sa akin sa sinabi ni apostol Pablo tungkol sa buhay at kamatayan. Sinabi ni Pablo, “Kung patuloy naman akong mabubuhay, makakagawa pa ako ng mabubuting bagay. Kaya hindi ko alam ngayon kung alin ang pipiliin ko. Nahahati ang isip ko sa dalawa: Ang mabuhay o ang mamatay. Gusto ko na sanang pumanaw para makapiling na si Cristo, dahil ito ang mas mabuti” (FILIPOS 1:22-23 ASD).
Nakakaranas ang bawat isa sa atin ng mga matitinding problema sa buhay. Nag-uudyok naman ito sa atin para asamin ang ipinangakong langit ng Dios. Nawa’y maging matiyaga tayo sa paghihintay sa pagkilos ng Dios na may buong pagtitiwala sa Kanya. Tularan natin si Violet na nagagalak pa rin sa kabila ng kanyang kalagayan. Purihin natin ang Dios na nagbibigay ng ating pangangailangan at naghanda ng magandang kalagayan na magbibigay sa atin ng lubos na kagalakan.