Minsan, sumakay ako ng eroplano. Papunta kasi ako sa isang malayong lungsod para mag-aral doon. Pakiramdam ko’y nag-iisa ako. Pero nang lumilipad na ang eroplano, naalala ko ang ipinangako ni Jesus sa Kanyang mga alagad na Tagatulong para lagi nilang makasama.
Maaari namang naguguluhan ang mga alagad ni Jesus nang sabihin Niya sa kanila na, “ikabubuti nʼyo ang pag-alis Ko, dahil hindi paparito sa inyo ang Tagatulong kung hindi ako aalis” (JUAN 16:7 ASD). Paano ba naman nilang maiisip na sa ikabubuti nila ang pag-alis ni Jesus, gayong kapag kasama nila si Jesus natututo sila at nakakakita ng himala? Pero sinabi sa kanila ni Jesus na kapag umalis na Siya darating ang Banal na Espiritu para tulungan sila.
Kinausap naman ni Jesus ang Kanyang mga alagad para ipaunawa sa kanila na Siya’y mamamatay at muling mabubuhay (JUAN 14-17). Pero ang pinakalayunin ng paguusap na iyon ay ipaalam na darating ang Banal na Espiritu para tulungan sila (14:16-17), para samahan palagi (15:15), para turuan (TAL. 26) at para gabayan (16:13).
Ang lahat ng magtitiwala kay Jesus ay magkakaroon ng bagong buhay at mananahan sa kanila ang Banal na Espiritu. Sa gayon, matutulungan Niya tayong humingi ng tawad sa tuwing nagkakasala. Palalakasin Niya rin ang ating loob sa tuwing nabibigo. Aaliwin Niya tayo sa tuwing nasasaktan, bibigyan ng karunungan para maunawaan ang itinuturo ng Dios at tutulungang maipadama sa iba ang pagmamahal ni Jesus.
Ikagalak at ipagpasalamat natin ang ibinigay ni Jesus na Tagatulong.