Nang pumunta kaming mag-asawa sa isang gubat, dinala namin ang aming camera para kunan ng litrato ang mga maliliit na bagay na nabubuhay doon. Nakakamangha ang iba’t ibang uri at kulay ng mga kabute na tumutubo sa mga kahoy.
Naisip ko ang kadakilaan ng ating Manlilikha dahil sa mga magagandang bagay na nakapaligid sa atin. Hindi lang mga kabute ang nilikha ng Dios kundi pati ang mga bituin sa kalangitan. Nilikha Niya ang mundong ito na may pagkakaiba at sa paraang hindi kayang abutin ng ating isipan. Inilagay naman Niya ang tao sa napakagandang mundong Kanyang nilikha para ating tamasahin at pamahalaan ito (GENESIS 1:27; AWIT 8:6-8).
Naalala ko rin ang binabasa ng aming pamilya sa Biblia sa tuwing nagkakatipon kami at nakapaikot sa nagliliyab na apoy. Binabasa namin, “Panginoon, aming Panginoon, ang kadakilaan ng Inyong pangalan ay makikita sa buong mundo at ipinakita Nʼyo ang Inyong kaluwalhatian hanggang sa kalangitan…Kapag tumitingala ako sa langit na Inyong nilikha at aking pinagmamasdan ang buwan at mga bituin sa kanilang kinalalagyan, akoʼy nagtatanong, ano ba ang tao upang Inyong alalahanin? Sino nga ba siya upang Inyong kalingain?” (AWIT 8:1-4 ASD).
Tunay na nakakamangha ang Dakilang Manlilikha na nagmamalasakit sa akin at sa iyo.