Nakatanggap ako ng sulat mula sa dating estudyante ng aking ina. Sabi niya sa sulat, “Ang iyong ina ang aking guro noong 1958. Siya ang pinakamahusay na guro para sa akin. Mabait siya pero mahigpit din naman. Ipinakabisado niya sa amin ang buong Awit 23 ng Biblia at natakot ako noon dahil kailangang bigkasin sa harap ng klase. Iyon lang ang tanging nabasa at narinig ko mula sa Biblia hanggang sa magtiwala ako Kay Jesus noong 1997. Nang mga sandaling iyon, naalala ko ang iyong ina nang binabasa kong muli ang Awit 23."
Nagkuwento naman si Jesus sa mga tao tungkol sa magsasaka na naghasik ng binhi na nalaglag sa iba’t ibang uri ng lupa. May nalaglag sa tabi ng daan, sa batuhan, sa matitinik na damo at matabang lupa (13:19). Hindi tumubo ang ibang binhi. Pero, “ang binhing napahasik sa matabang lupa ay ang mga taong dumirinig at umuunawang mabuti sa mensahe, kaya't ito ay namumunga nang sagana” (TAL. 23 MBB).
Sa loob ng 20 taong pagtuturo ng aking ina, alam ko na hindi lang edukasyon para sa kanyang mga estudyante ang ginawa niya. Naghasik din siya ng binhi ng kabutihan at pagmamahal na nagmumula sa Dios.
Tinapos naman ng dating estudyante ng aking ina ang kanyang sulat sa akin sa pagsasabi na, “Marami akong natutunan na mga bagay sa ibang tao para tumatag ang aking pananampalataya. Pero sa puso ko laging naaalala ang Awit 23 at ang kabutihan ng iyong ina.”
May magandang epekto sa buhay ng iba ang ipinapadama nating pagmamahal ng Dios.