Nang bata pa ang anak kong Xavier lagi niya akong binibigyan ng bulaklak. Masaya naman akong tanggapin ang pinitas niyang bulaklak sa daan o binili nilang mag-ama. Pinapahalagahan ko ang mga ibinibigay niya hanggang sa malanta ito at kailangan nang itapon.
Minsan, binigyan ako ni Xavier ng palompon ng mga huwad na bulaklak. Napakaganda at makukulay ang iba’t ibang uri ng bulaklak. Sinabi sa akin ni Xavier na kailanman ay hindi malalanta o mamamatay ang mga iyon. Ganoon din daw ang kanyang pagmamahal sa akin.
Nang magbinata na ang aking anak. Naluma na ang bulaklak at kumupas na ang mga kulay nito. Gayon pa man, sa tuwing nakikita ako ang mga bulaklak, naaalala ko ang pagmamahal ng aking anak. Naalala ko rin na mayroon talagang mananatili kailanman. Iyon ang pag-ibig ng Dios na hindi kumukupas at ang Kanyang mga Salita na mananatili magpakailanman (ISAIAS 40:8).
Pinalakas naman ni propeta Isaias ang loob ng mga Israelita noon sa pamamagitan ng pagsasabi sa kanila na mananatiling tapat ang Dios sa Kanyang pangako (40:1). Sinabi pa ni Isaias na pinatawad na sila sa kanilang mga kasalanan (TAL. 2). Binibigyan din sila ng Dios ng pag-asa sa pamamagitan ni Cristo (TAL. 3-5). Nagtitiwala naman ang mga Israelita kay Isaias dahil sa Dios lang nakatuon ang kanyang mga sinabi hindi sa mga nagawa nilang kasalanan.
Pabagu-bago ang isip ng tao at maging ang ating nararamdaman. Limitado rin ang kakayahan ng ating isip at nararamdaman gaya ng ating buhay (TAL. 6-7). Kaya naman, mapagkakatiwalaan natin ang pag-ibig ng Dios na hindi nagbabago at ipinahayag Niya ito sa Biblia.