Nang pumunta ako sa isang museo sa Chicago sa bansang Amerika, nakita ko doon ang larawan ng isang mabagsik na leon. Sinisimbolo raw iyon ng dios-diosan ng mga taga Babilonia noon na si Ishtar na dios ng pag-ibig at digmaan.
Sinasabi ng mga dalubhasa sa kasaysayan na nakita ng mga Israelita noon ang mga leon na ito noong binihag sila ni Nebukadnezar na hari noon ng Babilonia. Sinabi pa nila na may mga Israelita noon na naniniwalang tinalo ni Ishtar ang Dios ng Israel.
Si Daniel naman na isang Israelita na binihag din noon ay nananatiling tapat sa Dios at hindi naniwala sa ibang Israelita na nagsasabing tinalo ang Dios nila. Matatag ang pananampalataya ni Daniel sa Dios ng Israel at hindi ito matitinag. Nananalangin pa rin si Daniel sa Dios nang tatlong beses sa isang araw. Kahit alam niyang kapag ginawa niya iyon ay ipapatapon siya sa kuweba ng mga leon. Gayon pa man, iniligtas ng Dios si Daniel sa mga mababagsik na leon. Pagkatapos ng pangyayaring iyon, sinabi ni Haring Darius na, “Iniuutos ko sa lahat ng tao na nasasakupan ng aking kaharian na matakot at gumalang sa Dios ni Daniel. Sapagkat Siya ang buhay na Dios at nabubuhay magpakailanman. Ang paghahari Niya ay walang hanggan…Iniligtas niya si Daniel mula sa mga leon” (DANIEL 6:26-27 ASD).
Ang lubos na pagtitiwala sa Dios at pagiging tapat sa kabila ng pagharap natin sa mahihirap na sitwasyon ay makakapagpalakas ng loob ng iba. Mahihikayat din silang purihin at sambahin ang Dios.