Maraming mababasa sa internet na mga payo para sa mga magulang. Isa na dito ang katagang, “Ihanda mo ang iyong anak sa landas na kanyang lalakaran at hindi ang landas na kanyang lalakaran.” Ibig sabihin, ihanda natin ang ating mga anak sa pagharap sa mga pagsubok sa buhay at hindi ang pag-aalis sa mga pagsubok na kanilang haharapin.
Sinabi naman ng isang sumulat sa Awit sa Biblia, “Sabihin natin sa mga susunod na salinlahi…ang kapangyarihan ng Panginoon at ang mga kahanga-hanga Niyang gawa…Iniutos Niya sa ating mga ninuno na ituro ito sa kanilang mga anak upang malaman din ito ng mga susunod na lahi at nang ituro rin nila ito sa kanilang mga anak” (AWIT 78:4-6 ASD). Ang layunin ng pagsasabi nito ay para “magtitiwala sila sa Dios at hindi nila makakalimutan ang Kanyang ginawa at susundin nila ang Kanyang mga utos” (TAL. 7 ASD).
Alalahanin natin ang mga taong matatag ang pananampalataya sa Dios. Kung paano sila nakaimpluwensiya sa iba sa pamamagitan ng kanilang mga sinasabi at pamumuhay. Ang kanilang pagpapayo at pamumuhay na ayon sa nais ng Dios, ang nakahikayat sa marami para magtiwala at sumunod sa Panginoong Jesus.
Isang napakagandang pribilehiyo at tungkulin para sa ating mga nagtitiwala kay Jesus na sabihin sa susunod na salinlahi ang tungkol sa plano at mga pangako ng Dios. Ihanda natin ang ating mga anak at ipaunawa sa kanila na lagi silang bibigyan ng Dios ng lakas para mapagtagumpayan nila ang mga pagsubok sa buhay.