May isang kalye sa California sa bansang Amerika na kakaiba ang pangalan. Tinatawag itong Salsipuedes na ang ibig sabihin ay subukan mong makaalis kung kaya mo. Iyon ang ipinangalan sa kalye dahil puro kumunoy ang lugar na iyon noon. Paalala rin iyon noon sa mga tao na kailangang iwasan ang lugar na iyon.
Ipinapaalala naman sa atin ng Salita ng Dios na iwasan natin ang magkasala at matukso. Sinabi sa Biblia, “Iwasan mo ito at patuloy kang mamuhay nang matuwid” (KAWIKAAN 4:15 ASD). Hindi rin naman sinasabi sa Biblia na hayaan tayong subukan kung kaya nating makaalis. Sa halip, sinasabi ng Biblia na magtiwala tayo sa Dios dahil, “Walang pagsubok na dumarating sa inyo na hindi naranasan ng ibang tao. Ngunit maaasahan natin ang pangako ng Dios na hindi Niya tayo pababayaang subukin ng higit pa sa ating makakaya. Kaya kung dumaranas kayo ng pagsubok, gagawa [ang Dios] ng paraan para mapagtagumpayan ninyo ito” (1 CORINTO 10:13 ASD).
Napakagandang pangako iyon sa atin ng Dios na nakakapagpalakas ng loob. Kung magtitiwala tayo sa Dios at dadalangin sa Kanya sa panahon na humaharap tayo sa anumang tukso o pagsubok, lagi Siyang handa para tulungan tayong maiwasan ito.
Sinasabi sa Biblia na nauunawaan ni Jesus ang ating mga kahinaan. Dahil Siya mismo ay tinukso rin pero hindi Siya nagkasala (HEBREO 4:15). Alam ni Jesus kung paano Siya makakaiwas sa mga tukso. Kaya naman kung magtitiwala tayo sa Kanya, ituturo Niya sa atin kung paano natin maiiwasan ang mga tuksong darating.