Sinabi ni Ryley na aking kaibigan na ang Dios daw ay tulad sa isang talukap ng mata. Napakurap ako ng sabihin niya iyon. Ano kaya ang ibig niyang sabihin?
Nag-aaral kami noon sa mga paglalarawan sa Dios na binanggit sa Biblia. Tulad halimbawa na ang Dios ay para isang babaeng manganganak (ISAIAS 42:14) o isang tagapag-alaga ng mga pukyutan (7:18). Pero ang sinabi ni Ryley ay bago sa akin. Ipinaliwanag ni Ryley ang ibig niyang sabihin. Ipinakita niya sa akin ang sinabi sa Deuteronomio 32 kung saan pinasalamatan ni Moises ang Dios sa pag-iingat Niya sa mga Israelita. Sinabi ni Moises na, “Binabantayan sila [ng Dios] at iniingatan katulad ng pag-iingat ng tao sa kanyang mata” (TAL. 10 ASD).
Ang Dios ay parang talukap na pumoprotekta sa mata. Binabantayan ng talukap ang mata para hindi mapahamak at kumukurap para tulungang mawala ang puwing sa mata. Pinanatili rin ng talukap na basa ang mga mata para maging malusog ito. At pumipikit para makapagpahinga ang mga mata. Gayon din naman, ang ginagawa ng Dios sa atin.
Habang pinag-iisipan ko ang Dios bilang isang talukap ng mata, hindi ko mapigil na magpasalamat sa Dios para sa napakaraming bagay na mailalalarawan sa Kanya. Sa gayon, lalo nating maunawaan ang Kanyang pagmamahal sa atin. Sa tuwing ipinipikit natin ang ating mga mata sa gabi at iminumulat sa umaga, isipin natin ang Dios. Alalahanin nating purihin at pasalamatan Siya sa Kanyang pag-iingat at pag-aalaga sa atin.