Umagaw sa atensyon ng isang guro ang nakita niyang nakadikit sa harapan ng isang sasakyan. Makikita kasi doon na hindi naniniwala ang may-ari ng sasakyan na may Dios. Iniisip ng guro na nais ng may-ari ng sasakyan na galitin ang mga taong sumasampalataya kay Jesus kapag nakita nila iyon. Alam iyon ng guro kasi ganoon din siya dati.
Naalala naman ng guro kung paano siya nagtiwala kay Jesus. Hinikayat siya noon ng kaibigan niyang mananampalataya na pag-isipan ang tungkol kay Jesus. Ang pagsusumamo raw ng kanyang kaibigan ay walang halong pagkainis o galit. Kahit magkaiba sila ng pananaw tungkol sa Dios. Kaya naman, hindi malimutan ng guro ang respeto at kagandahang-loob na kanyang nakita mula sa kanyang kaibigan.
May pagkakataon na naiinis ang mga mananampalataya kapag hindi sila pinapakinggan sa pagpapahayag ng tungkol kay Jesus. Pero isipin natin na ilang beses tinanggihan si Jesus sa ipinapahayag Niya tungkol sa Dios. Gayon pa man, hindi siya nainis o nagalit man. Minsan, tinanggihan si Jesus at ang mga alagad na patuluyin sa isang lugar. Nagalit ang mga alagad at sinabi nila kay Jesus, “Panginoon, gusto Nʼyo po bang humingi kami ng apoy mula sa langit para sunugin sila?” (LUCAS 9:54 ASD). Pero pinagsabihan sila ni Jesus (TAL. 55). Saka, “hindi sinugo ng Dios ang Kanyang Anak dito sa mundo upang hatulan ang mga tao, kundi upang iligtas sila” (JUAN 3:17 ASD).
Alalahanin natin na hindi kailangan ng Dios na ipagtanggol Siya. Sa halip, nais Niyang ipakilala natin Siya sa iba sa pamamagitan ng ating pamumuhay na tulad kung paano namuhay si Jesus.