Masaya akong alagaan ang aking mga apo. Minsan, kinamusta ko ang dalawa kong apo sa ginawa nila. Ikinuwento ng 3 taong si Bridger na kumain siya ng ice cream, sumakay sa kunwaring kabayo at nanonood ng pelikula kasama ang kanyang tito. Tapos, si Samuel na 5 taong gulang naman ang tinanong ko. Sinabi niya na nagkamping sila ng kanyang tatay. Tinanong ko siya kung masaya ba siya. Sagot niya, “Hindi po masyado."
Naramdaman ni Samuel ang magselos nang marinig niya ang mga ikinuwento ng kanyang kapatid. Dahil doon nakalimutan na niya ang saya ng ginawa nila ng kanyang tatay ng magkamping sila.
Lahat tayo ay nakakaranas na magselos. Tulad ni Haring Saul na nagselos nang purihin si David ng mga tao ng higit kay Saul (1 SAMUEL 18:7). Nagalit si Saul kaya, “Mula noon, binantayan na niyang mabuti si David dahil nagseselos siya rito” (TAL. 9 ASD). Labis ang nararamdamang selos ni Saul hanggang sa tinangka na niyang patayin si David.
Ang pagkukumpara sa isa’t isa ng kung anong mayroon tayo o sino ang magaling ay kahangalan at magdudulot ng kapahamakan sa ating sarili. Lagi kasing mayroon ang ibang tao na wala tayo o maganda ang kalagayan ng iba kaysa sa atin. Pero kung iisipin lang natin na ibinigay na ng Dios ang lahat para sa ating ikabubuti. Kalakip doon ang buhay dito sa mundo at sa ipinangako Niyang buhay na walang hanggan sa lahat ng magtitiwala kay Jesus. Kung hihingi tayo ng tulong sa Dios at uugaliing magpasalamat sa Kanya, mapagtatagumpayan natin ang nararamdamang selos sa iba.