Sinasabi natin na hindi maayos ang ating sarili, pamilya, relasyon o maging ang ating pamahalaan kung nakikita nating hindi ito kumikilos nang ayon sa nararapat. Salungat ito sa salitang kaayusan. Dahil makikita naman natin na maayos ang lahat at kumikilos nang ayon sa nararapat.
Sinabi naman ni Pablo sa mga nagtitiwala kay Jesus sa Roma na hindi maayos ang kanilang relasyon sa Dios (ROMA 1:18-32). Ganito rin naman ang kalagayan ng lahat, “Tumalikod sa Dios at naging walang kabuluhan. Walang gumagawa ng mabuti, wala kahit isa…Sapagkat ang lahat ay nagkasala at hindi naging karapat-dapat sa paningin ng Dios” (3:12,23 ASD).
Pero may magandang balita, “Sa biyaya ng Dios sa atin, itinuring niya tayong matuwid sa pamamagitan ni Cristo Jesus na siyang tumubos sa atin…at sa pamamagitan ng Kanyang dugo ay mapatawad ang ating mga kasalanan kung sasampalataya tayo sa Kanya” (TAL. 24-25 ASD). Kung magtitiwala tayo kay Jesus at tatanggapin ang inaaalok Niyang kapatawaran at bagong buhay, makakapamuhay tayo nang ayon sa nais ng Dios. Hindi man tayo magiging perpekto agad, magiging maayos naman ang ating relasyon sa Dios na dating wasak o sira.
Sa pamamagitan naman ng paggabay ng Banal na Espiritu, magkakaroon tayo ng kakayahan na purihin at parangalan ang Dios sa ating mga ginagawa at sinasabi. Makakayanan din nating, “Iwanan na ang dating pamumuhay…Magbago ng diwa at pag-iisip; ang dapat isuot ay ang bagong pagkatao na nilikhang kalarawan ng Dios at nahahayag sa matuwid at banal na pamumuhay ayon sa katotohanan” (EFESO 4:22-25 MBB).