Nakaratay na sa kanyang higaan ang aking ina dahil na rin sa kanyang katandaan. Sumasalungat naman sa ganda ng panahon na aking natatanaw sa labas ng bintana sa lugar na iyon ang nag-aagaw buhay niyang kalagayan.
Naisip ko na malupit ang kamatayan. Anuman kasi ang ating gawing paghahanda sa ating kalooban para tanggapin ang kamatayan ng mahal natin sa buhay, makakaramdam pa rin tayo ng kalungkutan.
Ibinaling ko ang aking tingin sa kulungan ng ibon na nasa labas. Nang mga sandaling iyon, naalala ko ang isang talata sa Biblia: “Hindi baʼt napakamura ng halaga ng dalawang maya? Pero wala ni isa man sa kanila ang nahuhulog sa lupa nang hindi ayon sa kagustuhan ng inyong Ama” (MATEO 10:29 ASD). Sinabi iyon ni Jesus sa Kanyang mga alagad nang suguin Niya sila para ipahayag ang tungkol sa pagliligtas ng Dios. Pero ang prinsipyo na nais iparating ni Jesus ay angkop din sa ating lahat. Sinabi ni Jesus, “Mas mahalaga [tayo] kaysa sa maraming maya” (TAL. 31 ASD).
Gumising ang aking ina at pabirong niyang sinabi na kung patay na raw ba si Muti na kanyang ina. Sumagot naman ang asawa ko, “Opo, kasama na siya ni Jesus.” Nagtanong muli ang aking ina at itinanong naman niya kung patay na ang kanyang dalawang kapatid. Sumagot muli ang asawa ko, “Opo, kasama na rin sila ni Jesus. Pero anumang oras ay makakasunod na rin tayo sa kanila.”
Tahimik na sumagot ang aking ina, “Ang tagal naman, gusto ko nang makasama si Jesus.”