Ang Kintsugi ay isang basag na palayok na isang daang taon na. Sa halip na itago ang mga bitak sa palayok, dinikitan lang nila ito para maging maayos. Hinaluan ng ginto ang ginamit na pandikit. Kaya naman, nagkaroon ito ng kakaibang kagandahan mula sa pagkasira nito.
Sinabi naman sa Biblia na inaayos ng Dios ang ating mga sirang buhay o ang ating mga kabiguan kung tunay tayong magsisisi at hihingi sa Kanya ng kapatawaran.
Nagsisi at humingi naman ng kapatawaran noon si Haring David. Nangalunya kasi siya at ipinapatay ang asawa ni Batseba. Sinabi ni David sa kanyang panalangin tungkol sa nais ng Dios na ating gawin sa tuwing nagkakasala: “Hindi naman mga handog ang nais Nʼyo…Ang handog na nakalulugod sa Inyo ay pusong nagpapakumbaba at nagsisisi sa kanyang kasalanan. Ito ang handog na hindi Nʼyo tatanggihan” (AWIT 51:16-17 ASD).
Kung sira ang ating buhay dahil sa kasalanan, kaya itong ayusin ng Dios. Magtiwala tayo sa Kanyang Anak na si Jesus na namatay sa krus para ipadama sa atin ang Kanyang kahabagan. Buong pagmamahal Niya tayong tatanggapin kung tunay tayong nagsisisi at may kapakumbabaang humihingi ng kapatawaran.
Napakalaki ng kahabagan ng Dios. Kaya naman idalangin natin sa Kanya ang ating mga nagagawang kasalanan. “o Dios, siyasatin Nʼyo ako upang malaman Nʼyo ang nasa puso ko. Subukin Nʼyo ako at alamin ang aking mga iniisip. Tingnan Nʼyo kung ako ay may masamang pag-uugali at patnubayan Nʼyo ako sa daang dapat kong tahakin magpakailanman” (AWIT 139:23-24 ASD).