Madalas, nararamdaman kong may kulang sa aking mga ginagawa. Sa pagtuturo ko ng Biblia, pagpapayo o pagsusulat para sa babasahing ito. Parang laging hindi sapat ang aking kakayahan sa dapat kong gawin. Katulad ni Pedro na alagad ni Jesus, marami pa akong kailangang matutunan.
May mga binanggit naman sa Biblia tungkol sa mga kahinaan ni Pedro. Isa doon ang paglubog ni Pedro habang lumalakad siya sa tubig palapit kay Jesus (MATEO 14:25-31). Gayon din nang itanggi ni Pedro na kilala niya si Jesus (MARCOS 14:66-72). Gayon pa man, nagbago ang buhay ni Pedro nang makita niya ang muling nabuhay na si Jesus at ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu.
Naunawaan ni Pedro na, “Tinanggap natin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Dios ang lahat ng bagay na magtuturo sa atin upang tayo'y mamuhay na makaDios. Ito'y dahil sa ating pagkakilala kay Jesus, na Siya ring tumawag sa atin upang bahaginan tayo ng Kanyang karangalan at kabutihan” (2 PEDRO 1:3 MBB).
“Sa pamamagitan din nito, ipinagkaloob Niya sa atin ang mahahalaga at dakila Niyang mga pangako. Ginawa Niya ito para makabahagi tayo sa kabanalan ng Dios” (TAL. 4 ASD).
Ang ating pagtitiwala kay Jesus ang makapagbibigay sa atin ng karunungan at kakayahan para mapapurihan ang Dios. Makakatulong din ito para makayanang lampasan ang mga pagsubok, pag-aalala at pag-aalinlangan sa buhay.
Binibigyan tayo ni Jesus ng lahat ng ating kinakailangan para magawa nating paglingkuran at parangalan Siya sa bawat sitwasyon ng ating buhay.