Makikita sa lugar na kinagisnan ko ang isang talampas kung saan may nakatirik na malaking krus. May ilang mga bahay ang nakatayo malapit sa lugar na iyon. Purong bato kasi ang talampas na iyon na tiyak na matibay na pundasyon sa mga nais magtayo ng bahay. Gayon pa man, pinalilikas na sila ng gobyerno sa lugar na iyon dahil delikado ng tumira doon. Unti-unti na kasing gumuguho ang gilid ng talampas. Kaya, kung hindi sila susunod, maaaring malagay sa peligro ang mga buhay nila.
Ikinumpara naman ni Jesus sa mga nagtayo ng bahay sa ibabaw ng bato ang mga nakikinig at sumusunod sa Kanya (LUCAS 6:47-48). Matibay ang bahay na ito at makakatagal sa anumang bagyo. Nais pang iparating ni Jesus na ang tahanan o pamilya na hindi si Jesus ang pundasyon ay hindi makakatagal sa matitinding problemang darating.
Marami namang pagkakataon na parang gusto ko nang balewalain at huwag nang sundin ang iba pang nais ipagawa ng Dios sa akin. Iniisip ko kasi na sapat na ang ginagawa ko para sa Kanya. Pero tulad ng mga bahay na kahit matibay ang kinatitirikan ay hindi naging sapat para maging ligtas sila. Gayon din naman, hindi nararapat ang salitang sapat pagdating sa pagsunod sa Dios. Lubos nawa tayong magtiwala at sumunod sa Dios tulad ng isang taong nagtayo ng kanyang bahay sa matibay na pundasyon kaya naging matatag sa mga bagyo ng buhay.