Minsan, nagkuwento sa akin ang isa kong kaibigan. Sinabi niya na matagal na niyang ninanais maging kuntento at maging mapayapa ang buhay. Iniisip niya na mangyayari ito nang magkaroon sila ng magandang negosyo na kumikita ng malaki. Nabibili na kasi nila ang anumang kanilang naisin tulad ng malaking bahay, magarang damit at mga alahas. Pero hindi niya natagpuan ang pagiging kuntento at payapa sa mga bagay na iyon. Natagpuan niya raw ito nang magtiwala siya sa Panginoong Jesus.
Minsan daw may matindi siyang pinoproblema, may nagpahayag sa kanya ng tungkol kay Jesus na siyang Prinsipe ng Kapayapaan. Mula noon nagbago na daw ang pananaw niya tungkol sa pagiging kuntento at payapa.
Ipinahayag naman ni Jesus ang tungkol sa kapayapaan sa Kanyang mga alagad pagkatapos nilang maghapunan (JUAN 14). Inihahanda ni Jesus ang Kanyang mga alagad sa mga mangyayari sa Kanya. Mamamatay Siya, muling mabubuhay at isusugo Niya ang Banal na Espiritu para makasama nila. Ipinahayag ni Jesus na ang kapayapaang Kanyang ibinibigay ay hindi mapapantayan ng anumang bagay dito sa mundo. Nais ni Jesus na matutunan ng mga alagad na dapat may kapayapaan pa rin ang kanilang puso kahit na humaharap sila sa mabibigat na problema.
Nang mamatay si Jesus, natakot ang Kanyang mga alagad. Kaya naman, nang mabuhay Siyang muli at nagpakita sa Kanyang mga alagad. Binati Niya sila “Sumainyo ang kapayapaan” (JUAN 20:19 ASD). Bibigyan tayo ni Jesus ng lubos na kapayapaan.