Minsan, ibinigay ng aking anak ang kanyang cellphone sa 11 buwan gulang niyang anak. Ginawa niya ito para maaliw ang bata. Pero ilang minuto lang ang lumipas, tumatawag na sa akin ang aking anak. Aksidente kasing napindot ng apo ko ang cellphone at tumawag sa akin. Nakikilala ng apo ko ang aking boses kaya naman nagkuwentuhan kami kahit iilang salita palang ang kanyang nasasambit. Ipinahayag ko naman sa aking apo kung gaano ko siya kamahal.
Ang saya na aking nararamdaman sa pag-uusap namin ng aking apo ang nagpaalala sa aking relasyon sa Dios. Nais ng Dios na maging malapit tayo sa Kanya. Sa simula palang, ipinapakita na ng Dios kung gaano Niya tayo kamahal at nais Niyang mapalapit tayo sa Kanya. Pero gayon pa man, tinaguan nina Adan at Eba ang Dios nang magkasala sila. Kaya naman, “tinawag ng Panginoong Dios ang lalaki, “Nasaan ka?” (GENESIS 3:9 ASD).
Patuloy namang nais ilapit ng Dios ang Kanyang sarili sa atin sa pamamagitan ni Jesus. Nais kasi ng Dios na maging maayos ang ating relasyon sa Kanya. Isinugo ng Dios si Jesus para bayaran ang ating mga kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa krus. “Ipinakita ng Dios ang Kanyang pag-ibig sa atin nang… isinugo Niya ang Kanyang Anak upang akuin ang ating mga kasalanan para sa kapatawaran natin” (1 JUAN 4:9-10 ASD).
Napakagandang malaman na minamahal tayo ng Dios at ninanais Niyang mahalin din natin Siya sa pamamagitan ni Jesus. Laging handang makinig sa atin ang Dios kahit sa mga pagkakataon na parang hindi natin maipahayag sa Kanya ang ating ninanais.