Minsan, habang nag-aayos ako ng gamit para sa aking pupuntahan, napansin ko na wala akong suot na singsing. Iyon ang aking singsing ng ikasal ako. Hindi ko alam kung saan ko iyon nailagay dahil sa dami kong ginagawa.
Natatakot akong sabihin sa asawa ko ang aking kapabayaan. Pero matapos kong ibalita sa kanya, nagulat ako sa kanyang tugon. Sa halip na magalit, nagalala siya sa akin at ipinadama niya na mas mahalaga ako kaysa sa singsing. Nagulat ako kasi may mga pagkakataon na kailangan ko muna siyang suyuin para mawala ang galit niya. Pero sa pagkakataong iyon, nakita ko ang kanyang kagandahangloob at pagpapatawad.
Marami namang pagkakataon sa ating buhay na nakakagawa tayo ng kasalanan at iniisip agad natin na may kailangan tayong gawin para mapatawad tayo ng Dios. Pero sinabi ng Dios na naligtas tayo sa pamamagitan ng Kanyang kagandahang-loob at hindi sa ating mabubuting ginagawa (EFESO 2:8-9). Ipinangako naman ng Dios sa bansang Israel na, “patatawarin [Niya] ang kasamaan nila at lilimutin [Niya] na ang mga kasalanan nila” (JEREMIAS 31:34 ASD). Mayroon tayong Dios na laging handang magpatawad sa atin at nililimot na Niya ang ating mga nagawang kasalanan.
Marami man tayong nagawang pagkakamali, magtiwala tayo sa pangako ng Dios na Kanyang patatawarin at pakikitaan ng kagandahang-loob ang lahat ng magtitiwala kay Jesus. Magandang balita ito na mag-uudyok sa atin na pasalamatan ang Dios. Kapag humingi tayo ng tawad sa Dios, patatawarin Niya tayo at nililimot na Niya ang ating mga kasalanan.