Sa tuwing umaawit daw tayo, may pagbabagong nangyayari sa ating utak. Ayon sa mga dalubhasa, nakakatulong daw iyon para mawala ang ating pag-aalala at pagkabalisa.
Hinihikayat naman ni apostol Pablo ang mga nagtitiwala kay Jesus na laging umawit ng mga salmo, himno at awiting espirituwal (EFESO 5:19). Inulit din sa Biblia ng 50 beses ang panghihikayat na umawit ng papuri sa Dios.
May mababasa naman tayo sa Lumang Tipan ng Biblia tungkol sa pagtatagumpay ng mga Israelita sa pamamagitan ng pag-awit ng papuri sa Dios (2 CRONICA 20). Susugod na noon ang mga kaaway nila, kaya ipinatawag ni Haring Jehoshafat ang lahat sa buong kaharian. Pinangunahan niya ang lahat sa pananalangin. Hindi man lang sila kumain o uminom. Nanalangin sila ng taimtim, “Hindi po namin alam kung ano ang gagawin namin, pero nagtitiwala po kami sa Inyo” (TAL. 12 ASD). Kinabukasan, lumabas sila para salubungin ang kanilang mga kaaway. Pero wala silang kasamang mga sundalo. Sa halip, puro mang-aawit lamang na umaawit ng papuri sa Dios ang nagpunta. Nagtitiwala sila sa Dios na nangako na mananalo sila kahit hindi sila nakikipaglaban (TAL. 17).
Habang umaawit sila ng papuri sa Dios, pinaglaban-laban ng Dios sa isa’t isa ang kanilang mga kaaway. Pagdating nila sa lugar kung nasaan ang kanilang mga kaaway, patay na itong lahat. Iniligtas ng Dios ang mga nagtitiwala sa Kanya habang umaawit sila ng papuri.
Hinihikayat tayo ng Dios na purihin Siya sa lahat ng pagkakataon. May kakayahan ang pagpupuri sa Dios para mabago ang ating iniisip, nararamdaman at ang ating buhay.