Nang tumugtog ang asawa ko sa kapulungan ng mga nagtitiwala kay Jesus, nakita kong nakapikit siya. Kaya naman tinanong ko siya kung bakit siya pumipikit. Sinabi niya sa akin na naitutuon niya ang kanyang isip sa pagpupuri sa Dios at nakakatulong iyon para hindi siya maistorbo sa pagtugtog. Ang lahat ng ginagawa ng asawa ko ay nagpapakita ng kanyang pagpupuri sa Dios.
Iniisip naman ng iba na lagi bang dapat nakapikit ang ating mata sa tuwing nananalangin? Puwede kasi tayong manalangin kahit saan mang lugar at anumang oras. Kaya, mahirap manalangin ng nakapikit kung naglalakad o nagmamaneho.
Wala rin namang utos kung ano ang dapat maging posisyon ng ating katawan sa tuwing nananalangin sa Dios. Nang manalangin si Haring Solomon, nakaluhod siya at nakadipa ang mga kamay habang nakaharap sa langit (2 CRONICA 6:13-14). Iba’t iba rin ang posisyon ng mga taong nananalangin na binanggit sa Biblia. May mga nakaluhod (EFESO 3:14), nakatayo (LUCAS 18:10-13) at nakasubsob sa lupa ang mukha (MATEO 26:39).
Hindi naman mahalaga kung ano ang posisyon ng katawan sa tuwing nananalangin. Nakaluhod ka man, nakatayo o nakapikit, ang mahalaga ay ang kalagayan ng ating puso. Dahil ang puso ang “siyang bukal ng buhay mong tinataglay” (KAWIKAAN 4:23 MBB). Nawa’y sa tuwing nananalangin tayo, may pagpupuri, pasasalamat at may kapakumbabaan sa Dios ang ating puso. Dahil laging nakikinig at tinutugon ng Dios ang dalangin ng mga nagtitiwala sa Kanya (2 CRONICA 6:40).