Minsan, nasabi ko sa aking kaibigan na masyado na akong mahina at wala na yata akong magagawa para sa Dios o sa ibang tao. Nangyari iyon nang pinanghihinaan ako ng loob at nawawalan na ng pag-asa dahil sa sakit ko.
Hinawakan ako ng aking kaibigan at sinabi, “Sinasabi mo ba na walang kuwenta ang ginagawa kong pagngiti sa tuwing binabati kita at pakikinig sa mga problema mo? Ibig mong sabihin na walang saysay ang pananalangin ko sa Dios para gumaling ka?”
Sumagot naman ako na hindi sayang ang ginagawa niya.
Sinabi naman niya, “Kung hindi pala, bakit mo sinasabi ang kasinungalingang iyan. May nagagawa ka para sa akin at sa iba. Nagagawa mong palakasin ang aming loob sa masaya mong pagngiti, sa pakikinig sa aming mga problema at sa lagi mong pananalangin para sa amin.”
Ipinagpapasalamat ko sa Dios ang pagpapaalala Niya sa akin na may saysay ang aking ginagawa para sa Kanya.
Ipinapaalala naman sa atin ni apostol Pablo na mahina man ngayon ang ating katawan, “ngunit kapag itoʼy muling binuhay, itoʼy maganda na at malakas” (1 CORINTO 15:43 ASD). Ipinangako ng Dios na ang lahat ng magtitiwala kay Jesus ay muling mabubuhay. Kaya naman, ang lahat ng ating ginagawa para sa Dios ay magkakaroon ng malaking epekto sa kaharian ng Dios (TAL. 58).
Kahit mahina na ang ating katawan, ang isang simpleng pagngiti sa iba, pagpapalakas ng loob at pananalangin ay may malaking epekto sa buhay ng iba. May saysay sa Dios ang lahat ng ating ginagawang paglilingkod sa Kanya.