Sinulatan ko ang aking kaibigan tungkol sa hindi namin pagkakaintindihan. Hindi siya sumagot sa sulat ko, kaya naisip ko na hindi ko na sana ginawa iyon. Ayaw ko na palalain ang sitwasyon pero ayaw ko rin naman na hindi maayos ang problema namin bago siya mangibangbansa. Ilang araw siyang naging laman ng isip ko.
Ipinanalangin ko siya. Hindi ko pa alam kung ano ang susunod na gagawin. Isang umaga, habang naglalakad sa parke, hindi sinasadyang nagkita kami. Bakas sa kanyang mukha ang sakit na dulot ng aming hindi pagkakaintindihan. Nagpasalamat ako sa Panginoon dahil gumawa Siya ng paraan para magkausap kami ng kaibigan ko. Lumapit ako sa kanya nang nakangiti. Pagkatapos naming magusap ng masinsinan, nagkaayos kami.
Minsan, hindi natin kontrolado kung paano maaayos ang hindi pagkakaunawaan sa ating kapwa. Pero tulad ng sinabi ni apostol Pablo sa mga taga Efeso, bilang mga nagtitiwala kay Jesus, pagsikapan natin na panatilihin ang pagkakaisa at mapayapang pagsasamahan sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. Sikapin nating maging mahinahon, mapagpakumbaba, maunawain at mapagpaumanhin habang hinahayaan ang Dios na ayusin ang ating alitan.
Nais ng Dios na tayo’y magkaisa. Sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, kaya Niyang pagbuklurin ang bawat isa. Gagawa Siya ng paraan tulad ng hindi sinasadyang pagkikita sa isang parke.