Noong kabataan pa ang aking ama, nagbiyahe siya at ang kanyang mga kaibigan papunta sa isang paligsahan. Madulas ang kalsada noon dahil sa ulan kaya naaksidente sila. Napakatindi ng aksidenteng iyon. Isa sa mga kaibigan niya ang naparalisa at may isa na namatay. Dineklara ring patay ang aking ama at dinala sa morge. Pinuntahan siya ng lolo’t lola ko roon. Labis silang nagdalamhati nang matiyak na iyon nga ang kanilang anak.
Pero sa ’di-inaasahang pangyayari, buhay ang aking ama. Matindi lang pala ang pagkawala ng kanyang malay. Ang kanilang dalamhati ay naging kagalakan.
Sa Efeso 2, pinapaalalahanan tayo ni apostol Pablo na kung wala si Cristo sa ating buhay, itinuturing tayong patay dahil sa ating mga pagsuway at kasalanan (TAL. 1). Pero dahil sa napakamaawain ng Dios at sa Kanyang dakilang pag-ibig, “muli Niya tayong binuhay kasama ni Cristo” (TAL. 4-5 ASD). Sa pamamagitan ng Panginoong Jesu-Cristo, nabuhay muli ang mga sumasampalataya sa Kanya.
Tunay ngang utang natin sa Dios ang ating buhay. Sa pamamagitan ng Kanyang dakilang pag-ibig, naging posible para sa ating mga itinuring na patay dahil sa ating mga kasalanan, ang muling mabuhay at magkaroon ng layunin sa pamamagitan ng pagtitiwala kay Cristo.