Nang minsang pauwi kami galing sa isang kasal, tinanong ako ng aking ina sa ikatlong pagkakataon kung ano ang balita sa aking trabaho. Inulit kong muli ang sagot ko sa kanya at inisip ko rin kung paano ko ito sasabihin na maaalala niya.
May Alzheimer’s Disease kasi ang aking ina. Isa itong sakit kung saan untiunting nawawala ang memorya ng isang tao. May mga masama rin itong epekto tulad ng hirap sa pagsasalita.
Nalulungkot ako sa sakit ng aking ina pero malaki pa rin ang pasasalamat ko dahil nakakasama pa rin namin siya at nakakausap. Natutuwa ako na sa tuwing bibisitahin ko siya, lumiliwanag ang kanyang mukha at sasabihing, “Isa itong sorpresa, Alyson!” Masaya kami kapag nagkakasama kami kahit na minsa’y hindi siya makapagsalita.
Parang ganoon din sa ating relasyon sa Dios. Sinasabi sa Biblia, “Ang Panginoon ay nalulugod sa mga may takot sa Kanya at nagtitiwala sa Kanyang pag-ibig” (AWIT 147:11 ASD). Itinuturing na anak ng Dios ang mga sumampalataya kay Jesus bilang Panginoon at Tagapagligtas (JUAN 1:12). Kahit na paulitulit minsan ang mga sinasabi natin sa panalangin o hindi natin maisip ang sasabihin natin, matiyaga pa rin Siyang nakikinig sa atin bilang ating mapagmahal na Ama. Masaya Siya sa tuwing kinakausap natin Siya sa panalangin kahit minsa’y hindi natin masabi ang gusto nating sabihin.