Minsan, sinabi sa akin ng aking ama na lagi siyang wala noong bata pa ako.
Hindi naman ganoon ang pagkakatanda ko. Wala man siya dahil sa trabaho at sa mga gawaing dapat niyang daluhan sa aming lugar sambahan, lagi naman siyang naroon sa lahat ng mga mahahalagang pangyayari sa aking buhay. Naroon din siya maging sa mga hindi mahalagang pangyayari.
Tulad noong 8 taong gulang ako kung saan dumalo siya sa sinalihan kong palabas sa eskuwelahan. Ipinapakita niya lagi sa aming magkakapatid na importante kami sa kanya at mahal niya kami. Natutunan ko rin sa kanya kung paano magmahal ng hindi inuuna ang sarili. Nakita ko ito nang alagaan niya ang aking ina hanggang sa mga huling sandali ng buhay nito. Hindi perpekto ang aking ama pero parang nakikita ko sa kanya ang ating Ama sa langit. At dapat na ang bawat ama na sumasampalataya kay Jesus ay ganoon din.
May mga pagkakataon na nasasaktan o nabibigo ng mga ama ang kanilang mga anak. Pero ang ating Ama sa langit ay “mahabagin at matulungin, hindi madaling magalit at sagana sa pagmamahal” (AWIT 103:8 ASD). Sa tuwing ang isang amang mananampalataya ay nagkakaloob ng mga pangangailangan, nagtuturo, nagtutuwid at pinapanatag ang loob ng kanyang mga anak, parang naipapakita niya sa kanila kung paano mangalaga ang ating perpektong Ama sa langit.