Nakatanggap ako ng sulat kung saan inaanyayahan akong sumali sa isang samahan ng mga taong determinado. Hinanap ko ang kahulugan ng salitang determinado at nalaman ko na ang isang determinadong tao ay may lubusang pagnanais na magtagumpay at gagawin ang lahat para makamit ang kanyang mga ambisyon o layunin.
Mabuti ba na maging determinado? Malalaman natin kung mabuti ito base sa sinasabi sa 1 Corinto 10:31, “Gawin ninyo ang lahat sa ikararangal ng Dios” (mbb). Kadalasan, ginagawa natin ang mga bagay para maitaas ang sarili. Sa Biblia, may grupo ng tao ang nagpasya na magtayo ng tore para maging tanyag at para hindi sila magkawatak-watak (GENESIS 11:4). Dahil hindi nila itinayo ang tore para sa kaluwalhatian ng Dios, hindi tama ang pagiging determinado nila.
Iba naman ang ginawa ni Haring Solomon. Pinarangalan niya ang Dios nang italaga niya ang kaban ng tipan at ang templo. Sinabi niya, “ipinatayo ko ang templo para parangalan ang Panginoon, ang Dios ng Israel” (1 HARI 8:20 ASD). Nanalangin din siya, “Gawin sana Niya tayong masunurin sa Kanya para makapamuhay tayo ayon sa Kanyang mga utos at mga tuntunin” (TAL. 58 ASD).
Kung ang pinakamimithi ng ating puso ay ang luwalhatiin ang Dios at sundin Siya, maituturing tayo na determinadong tao na nagnanais na mahalin at paglingkuran si Jesus sa tulong ng Banal na Espiritu. Tulad ng panalangin ni Solomon, manatili nawa tayong tapat sa ating Panginoong Dios at sumunod sa Kanyang mga utos (TAL. 61).