Pinadalhan ako ng kaibigan ko ng mga kasangkapang siya mismo ang gumawa. Pagbukas ko ng kahon, nagkabasagbasag na pala ang mga ito.
Nang pagdikit-dikitin ng asawa ko ang isa sa mga tasa, ginawa ko itong palamuti sa aming istante. Tulad ng tasa na makikitaan ng marka na ito’y nabasag, parang may marka rin ako dahil sa aking mga pinagdaanan. Pero sa tulong ng Dios, nakakatayo pa rin ako na tulad ng tasa na kahit nabasag na ay nagsilbi pa ring palamuti. Ipinapaalala sa akin ng tasang iyon na ang pagbabahagi ko tungkol sa pagtulong sa akin ng Dios noong nakakaranas ako ng paghihirap ay maaaring makatulong sa iba kapag daranas din sila ng mga paghihirap.
Pinupuri naman ni apostol Pablo ang Dios dahil “Siyaʼy maawaing Ama at Dios na laging nagpapalakas ng ating loob” (2 CORINTO 1:3 ASD). Ginagamit ng Dios ang mga pagsubok at paghihirap na ating nararanasan para mas maging katulad natin si Jesus. Ang pagpapalakas ng loob sa atin ng Dios ang tutulong sa atin para palakasin din ang loob ng iba (TAL. 4).
Habang pinagbubulay-bulayan naman natin ang paghihirap na dinanas ni Jesus, magagawa nating tiisin ang sarili nating paghihirap at ipagkatiwala sa Dios na gagamitin Niya ang mga ito para palakasin ang ating loob at ng iba (TAL. 5-7). Tulad ni Pablo, mapapanatag tayo dahil alam natin na tutulungan tayo ng Dios sa mga paghihirap na ito para sa ikaluluwalhati Niya. Maibahagi nawa natin ang naranasan nating pagpapalakas ng loob mula sa Dios.