Sa isang lugar, kitang-kita ang malaking agwat ng estado sa buhay ng Mayor at ng nasasakupan niya. Nagpapasasa siya sa karangyaan. Napakaganda ng kanyang mansyon samantalang nakatira lang sa barong-barong ang mga tao at salat sa pangangailangan.
Ikinagagalit natin ang mga ganitong ’di makatarungang sitwasyon tulad ng naramdaman ni propeta Habakuk. Tinanong niya ang Dios, “hanggang kailan ako hihingi ng tulong, at hindi Mo papakinggan?” (HABAKUK 1:2). Pero alam ng Dios ang nangyayari. Sinabi Niya sa mga nagpapahirap sa mga Israelita, “Nakakaawa naman…kayong nangunguha ng mga bagay na hindi sa inyo…kayong nagpapatayo ng mga bahay sa pamamagitan ng perang nakuha ninyo sa masamang paraan” (2:6-9 ASD). Hahatulan sila ng Dios.
Nagiging magaan ang loob natin kapag hinahatulan ng Dios ang mga mapang-api, pero isaalang-alang nawa natin ang sinabi ni Habakuk, “ang Panginoon ay nasa Kanyang templong banal; tumahimik ang buong lupa sa harapan Niya!” (2:20). Tumahimik tayong lahat, ang mga api at nang-aapi. At minsan, ang pananahimik ang tamang tugon natin sa pananahimik ng Dios dahil sa pamamagitan nito, maaari nating makita ang ating mga pagkakasala.
Magtiwala tayo sa Dios tulad ng natutunang gawin ni Habakuk. Hindi man natin laging mauunawaan ang pamamaraan ng Dios, alam natin na Siya’y mabuti. Kontrolado Niya ang lahat.