Hinangaan ko ng husto ang pinanood kong konsiyerto ng isang banda na binubuo ng mga batang estudyante. Napakaganda ng pagtugtog nila bilang isang banda. Kung sakaling ang bawat isa sa kanila ay nagnanais na tumugtog mag-isa, mas maganda pa rin ang magiging kinalabasan ng pagtugtog nila bilang isang grupo kaysa isahang pagtugtog ng kanilang mga instrumento.
Sinabi naman ni apostol Pablo sa mga taga Roma na sumasampalataya kay Jesus, “Kahit na marami tayo, iisang katawan lang tayo kay Cristo, at magkakaugnay tayo sa isaʼt isa. Ibaʼt iba ang kakayahang ibinigay sa atin ng Dios ayon sa Kanyang biyaya” (ROMA 12:5-6 ASD). Ang mga binanggit na kakayahan ay pagpapahayag ng Salita ng Dios, paglilingkod, pagtuturo, pagpapayo, pagbibigay, pamumuno at pagkakawanggawa (TAL. 6-8). Ang bawat kakayahang ito ay kailangang maisagawa ng mga mananampalataya para sa ikabubuti ng lahat (1 CORINTO 12:7).
Nais ng Dios na nagkakasundo, nagkakaisa at nagtutulungan ang mga mananampalataya. Sinasabi sa Roma 12:10, “Magmahalan kayo bilang magkakapatid at pahalagahan ninyo ang iba nang higit sa pagpapahalaga nila sa inyo” MBB). Sa halip na makipagkompetensiya, makipagtulungan tayo sa isa’t isa.
Tayong mananampalataya ay parang nasa entablado na pinapanood ng mundo araw-araw. Wala dapat tutugtog mag-isa, bawat instrumento ay mahalaga. Higit na maganda ang kalalabasan kung ang bawat isa ay gagawin ang kanyang bahagi at sama-sama nila itong tutugtugin.