Minasdasdsadsan sa aming lugar sambahan, nagkaroon ng seremonya kung saan naghugasan ng mga paa ang aming pastor, mga namumuno at ang mga bagong lider na itatalaga sa araw na iyon. Layunin nito na ipakita na ang tungkuling gagampanan ng mga bagong lider ay hindi lamang mamuno, kundi maging tagapaglingkod din.
Mababasa naman natin sa Juan 13 na ganoon din ang ginawa ni Jesus. Pagkatapos maghapunan, tumayo si Jesus, nagsalin ng tubig sa palanggana, at nagsimulang hugasan ang mga paa ng Kanyang mga alagad (TAL. 4-5). Nang ipaliwanag ni Jesus sa kanila kung bakit Niya ginawa iyon, sinabi Niya, “walang alipin na mas higit sa kanyang amo; at wala ring isinugo na mas higit sa nagsugo sa kanya” (TAL. 16 ASD). Sinabi rin ni Jesus, “Naglilingkod ako sa inyo kahit na ako ang Panginoon ninyo” (LUCAS 22:27 ASD).
Hindi nagpababa sa dignidad ni Jesus ang paghuhugas Niya sa paa ng mga alagad, at hindi rin magpapababa sa atin ang paglilingkod sa iba. Napakagandang halimbawa ang ipinakita ni Jesus para sa ating lahat. Tunay ngang naparito Siya sa mundo hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod (MARCOS 10:45).
Ipinakita ni Jesus kung paano ang mamuno at ang maglingkod. Ganyan ang ating Panginoong Jesus, bagamat Siya ang Panginoon, naglilingkod Siya.