Nagpunta kami noon ng aking pamilya sa isang pasyalan na tinatawag na Monterey Bay Aquarium. Batang-bata pa noon ang anak kong si Xavier. Pagpasok namin, itinuro ko ang malaking estatwa ng isang balyena. Nanlaki ang mga mata ni Xavier at sinabing, “Pambihira!”
Napatingin sa akin ang asawa ko. Sabi niya, “Paano niya nalaman ang salitang iyon?” “Baka narinig niya iyon sa atin,” sagot ko. Nagulat ako kung paanong ang maliit naming anak ay nakapagsabi ng ganoong salita na hindi naman namin sinasadyang maituro sa kanya.
Sa Deuteronomio 6, hinikayat ng Dios ang mga Israelita na sikaping ituro sa kanilang mga anak at sa susunod na henerasyon ang mga utos ng Dios at sundin ang mga ito. Kung mas makikilala ng mga Israelita ang Dios, lalago sila at ang kanilang mga anak at lalong tataas ang pagtingin nila sa Dios. Matatamasa rin nila ang mga gantimpala ng malalim na pagkakilala sa Dios, pagmamahal at tapat na pagsunod sa Kanya (TAL. 2-5).
Kung itatanim natin sa ating puso’t isip ang Salita ng Dios (tal. 6), mas magiging handa tayo sa pagtuturo sa ating mga anak tungkol sa pag-ibig ng Dios at sa mga katotohanan tungkol sa Dios (TAL. 7). Maging mabuti rin tayong halimbawa sa kanila upang matuto silang pahalagahan at igalang ang hindi nagbabagong katotohanan ng Salita ng Dios (TAL. 8-9).
Kung laging bukambibig natin ang Salita ng Dios, maipapasa natin ito sa mga susunod na henerasyon.